Daughters of Saint Paul

Nobyembre 5, 2017 Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

 

MATEO 23:1-12

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Nginit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.

      “Huwag kayong patawag na 'guro' sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n'yong tawaging  'ama' ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na 'gabay' sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n'yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang napapakababa.”

PAGNINILAY:

Mga kapatid, nais bigyang-diin ng Ebanghelyong ating narinig na ang taong may kababaang-loob ang siyang pinakadakila.  Dahil sa paglilingkod niya sa iba, inuuna niya ang Diyos kaysa sa kanyang sarili.  Tanggap niyang anino lamang siya ng kadakilaan ng Diyos.  Batid niyang siya’y nag-aaral pa lamang na sumunod sa totoong Guro na hindi nagpapahalaga sa pagpapakita ng kabanalan kundi sa pusong luklukan ng kabanalan ng “Siyang nasa Langit.”  Kaya naman, hindi kailanman magiging palalo ang puso ng isang mapagpakumbaba, sa halip nais niyang maging tulad sa inang umaaruga sa kanyang supling.  Nagtitiwala siya sa pagkandili ng Diyos tulad sa isang sanggol sa bisig ng Diyos. Dahil doon lamang niya masusumpungan ang lakas, na bukal sa kanyang sariling kakayahang kumandili sa iba.  Pansinin din natin kung paanong ang kawayan lumalago nang sama-sama.  Hindi kailanman lalago nang mag-isa ang kawayan.  Itinuturo nito sa atin ang diwa ng paglilingkod kung saan ginagampanan ng isang mababa ang loob ang kanyang ministeryo.  Inaamin ng taong ito na sinisikap niyang ilapit ang sangkatauhan sa Ama at pagyamanin at pangalagaan ang pananampalataya.  Inuuna niya ang mga mahahalagang bagay sa natatanging pamamaraan.  Panginoon, gawin Mo po akong mababang loob.  Katulad ng halimbawa ng mga kawayan – na sa katayugan ng paglago nito patungo sa Langit, ganoon din naman kalalim ang pagyukod at paghalik nito sa lupa.  Amen.