EBANGHELYO: LUCAS 14:15-24
Sinabi kay Jesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang mga makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat. Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’”
PAGNINILAY:
Kung susuriin ang mga dahilang sinabi ng mga tumanggi sa imbitasyon, masasabi nating may basehan naman ang kanilang mga dahilan. Hindi naman masama ang tumanggi sa paanyaya. Pero ang tanong dito, sino ba ang nag-anyaya at anong klaseng handaan? Batid natin na ginamit ni Jesus ang kwentong ito upang isalarawan ang paanyaya ng Diyos sa ating lahat para makasama tayo sa kanyang kaharian. Dumating si Jesus at ipinahayag ang Mabuting Balita sa lahat. Inihanda na ang lahat. Abot-kamay na natin ang pagkakataong makasama ang Panginoon. Lagi siyang naghihintay na makasalo tayo sa kanyang Banal na Piging, ang Eukaristiya. Tatanggihan din ba natin siya? – Vhen Liboon
PANALANGIN:
Panginoon, patawad po sa mga pagkakataong mas inuna ko ang ibang lakad at gawain kesa sa pagdalo ng Banal na Misa lalo ng tuwing linggo. Ugaliin ko nawang unahin lagi ang Banal na Misa bago ang lakwatsa. Amen.