Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 5, 2020 – HUWEBES SA IKA-31 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 15:1-10

Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi baga niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Alam na alam ko po kung ano ang damdamin ng pagpapatawad. Hindi ito madali, dadaan ito sa isang proseso na dapat ay pag-isipan, dasalan at panindigan na iyon ang tamang gawin, at sa huli pag desisyunan. Samakatuwid, ang pagpapatawad ay isang desisyon, maituturing na banal na desisyon. Sa Ebanghelyo ngayon, may mga tsismoso, ang mga Pariseo at mga guro ng Batas. Sinabi nila na si Jesus ay nakikisalo sa mga makasalanan.  Sa halip na magalit si Jesus sa kanilang ginagawa, nagbigay ng talinhaga ang Panginoon. Ang isang tupa na nawalay sa mga kasamahan at ang paghahanap ng isang babae sa nawawala niyang isang pilak. Sinabi na sa pagkakita sa nawawalang tupa ay may lubos na kagalakan ang may-ari nito. May tuwa din ang babaeng nawalan ng pilak sa pagkakita niya nito. Mga kapatid, kung may isang miyembro na napariwara sa ating pamilya, pagsisikapan ba natin itong ibalik sa tamang direksyon? Harinawa, hindi tayo mawalan ng grasya na maging mukha ni Kristo para sa iba.  Maging daluyan nawa tayo ng awa at habag ng Diyos. Amen, Amen.