Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 5, 2022 | SABADO SA IKA-31 LINGGO NG TAON

Ang tunay na kayamanan hatid sa puso’y tunay na kaligayahan. Isang punong-puno ng pag-asang araw ng Sabado mga  kapatid kay Kristo!  Pasalamatan natin ang Panginoon sa panibagong  pag-asang harapin ang araw na ito. Isama natin sa ating mga prayers sa ating pagdedebosyon sa ating Mahal na Ina, Our Lady of First Saturday ang kapayapaan sa buong mundo. Alalahanin natin  lalo na ang  mga bansang may kaguluhan na madalas ang mga kababaihan at mga paslit ang higit na nahihirapan .  Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan/ ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan  natin ang salita ng Diyos na ating gabay at lakas sa mabuting Balita ngayon .

EBANGHELYO: Lc 16:9-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapapabayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Narinig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Hesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao pero alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”

PAGNINILAY “Ano ang kayang bilhin ng bente pesos mo?” Isang linya po yan galing sa commercial ng isang ice cream. Sa halagang ito, makakabili ka nang candy na makakapagpangiti sa batang paslit, o di kaya’y tinapay sa kumakalam nilang sikmura. “Nabibili ba ang kayamanan o nabibili ba ang kasiyahan?” Marahil ang sasabihin ng iba ay oo, dahil kaya mo ritong mamuhay ng marangya. Ang tao po ang nagdadagdag o nagdudulot ng kasamaan sa salapi, sapagkat nakasalalay sa tao kung paano niya pamamahalaan ang mga ito. Itinuturo sa atin ni Hesus sa ebanghelyo na pangalagaan ang tunay na kayamanan upang makamtam ang tunay na kasiyahan. Ngunit ano at saan natin ito matatagpuan? Sabi nga ng isang pari, lagi nating alalahanin ang nasusulat: “Mag-impok kayo ng kayamanan sa langit. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.” – Mt 6:20-21. Gamitin natin ang yaman ng mundong ito upang makatulong tayo sa iba. Sa ganitong paraan, tayo ay makakaimpok ng tunay na kayamanan sa langit. Tularan natin ang pagiging tuso ng katiwala. Maging tuso, ngunit panatilihin natin ang kabutihan ng ating mga puso. Isipin natin ang pangmatagalan at ang hindi ang pangsamantala lamang. Hanapin natin ang tunay na kasiyahan sa Diyos, sapagkat doon naghihintay ang tunay na kayamanan sa langit.