Daughters of Saint Paul

Nobyembre 6, 2016 LINGGO Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon

Lk 20:27-38 

Lumapit ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jeus:  “Guro, isinulat ni Moises para sa amin:  'Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.'  Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli'y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”

            Sinagot sila ni Jesus:  “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak  na may pagkabuhay ng mga patay ; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.”

PAGNINILAY

Ang Ebanghelyong narinig natin hindi tungkol sa pag-aasawa o sa kasal.  Hindi rin nito sinasagot kung may muling pagkabuhay nga ba o wala.  Ipinagpapalagay na agad dito na totoong may muling pagkabuhay.  Ang tunay na usapin dito, kung ano ang Muling Pagkabuhay.  Mga kapatid, sa ating kamatayan – hindi na tayo anak, asawa, kapatid, kasintahan o kaibigan ninuman.  Sabi nga ng Dominikanong si Richard Finn sa kanyang pagninilay, “Hindi nawawala ang pag-ibig at pagkakaibigan sa sandali ng kamatayan; hindi ito napapalitan ng impersonal na uri ng kabutihan.  Nananatiling maalab at marubdob ang pag-ibig; nananatili ang pagmamahal ng bawat mag-asawa at naging magkasalo sa buhay at kasaysayan.”  Nananatili ang mga relasyon.  Pero ang lahat ng relasyon pumapangalawa lamang sa relasyon natin sa Diyos.  Sa Muling Pagkabuhay, ang tanging relasyon na mananatili, ang ating relasyon sa Diyos bilang Kanyang mga anak.  Manalangin tayo.  Panginoon, idinadalangin ko pong mag-alab pa ang apoy ng Banal na Espiritu sa aking puso nang lumago pa ako sa aking relasyon Sa’yo.  Kayo nawa ang laging mauna sa hanay na aking mga relasyon at pinagkakaabalahan.  Amen.