Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 6, 2019 – MIYERKULES SA IKA-31 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 14:25-33

Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ng pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ “At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, nilatag ng Panginoong Jesus ang mga kinakailangang katangian ng mga nais sumunod sa Kanya.  Kailangan ang masusing pagtantya ng sarili bago magpasya, dahil mabigat ang hinihingi ng tunay na pagsunod sa Kanya.  Para sa isang tunay na Kristiyanong alagad, kailangan Niyang yakapin ang paraan ng pamumuhay ng Panginoong Jesus. Nangunguna ang Diyos sa Kanyang prioridad.  Kusa Niyang tinalikuran ang mga mahal sa buhay, maging ang kanyang sarili.  Handa siyang magsakripisyo at magtiis ng hirap alang-alang sa tawag ng misyon.  Nakikisalamuha Siya sa lahat ng tao nang walang itinatangi at kinikilala Niyang pantay-pantay ang lahat sa lipunan.  Nangangahulugan din ito ng pag-iwan sa nakagisnang takbo ng buhay upang malayang maipangaral ang Kaharian ng Diyos.  Dapat ding asahan ng mga nais sumunod sa Panginoon, na makararanas sila ng pagsalungat at pagtuligsa, kung mananatili silang tapat sa pagtupad ng utos ng Diyos.  Mga kapanalig, marahil sasabihin n’yo, “Napakahirap naman palang sumunod sa Panginoon!”  Pero hindi ito mahirap kung tunay tayong nagmamahal sa Kanya.  Ang kahandaang talikuran ang lahat-lahat alang-alang sa minamahal ang sukatan ng tunay na pag-ibig.  At dito tayo inaanyayahan ng Panginoon bilang mga tagasunod Niya – ang matutong magmahal katulad ng Kanyang pagmamahal – handang mag-alay ng buhay, talikdan ang sarili para sa higit na ikabubuti ng minamahal.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang makatugon sa panawagang ito. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp