BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid Kristo. Pasalamatan natin ang Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang mag-ipon ng makalangit na yaman na magiging kapaki-pakinabang sa pagkamit ng buhay na walang hanggan. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Atin nang pakinggan ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labing-apat, talata Labindalawa hanggang Labing-apat.
EBANGHELYO: Lk 14:12-14
Sinabi ni Jesus sa pinuno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at suklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Isa sa mga napakagandang awit na isinulat ng sikat na Heswitang kompositor, na si Fr. Manoling Francisco, ang Panalangin sa Pagiging bukas Palad, na hango sa Panalangin ni San Ignacio de Loyola. Sinasabi sa awit: “Panginoon, turuan Mo akong maging bukas-palad, Turuan Mo akong maglingkod sa Iyo, Na magbigay nang ayon sa nararapat, Na walang hinihintay mula sa ‘Yo.” Tugon ito sa hamon ni Hesus sa ebanghelyo ngayon. Nais Niyang ipaalala sa atin ang kanyang handog na bukas at malayang puso. Pusong may kakayahang magbigay na hindi naghihintay ng anumang kapalit. Pusong may kakayahang makita ang mga pangangailangan ng iba. Pusong may kakayahang makipag- ugnayan, hindi lamang sa mga kaibigan o kapamilya, mga taong mabuti sa atin, kundi lalo’t higit, sa mga taong walang kakayahang suklian ang ating kabaitan o pagka mapagbigay. Karaniwan na sa atin, ang scenario ng mga pakalat-kalat na mga batang kalye, mga namamalimos, mga nakahiga sa tabi ng kalsada. Dahil halos araw-araw, ganito ang nakikita natin sa paligid, parang normal na, at nakagawian na ng marami sa atin ang pagsasawalang-bahala. Tunay na alam ni Hesus, kung ano ang nasa puso ng bawat isa, kaya nagpa-alala siya tungkol sa mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, mga bulag, mga taong binabalewala sa lipunan. Mga kapatid, nawa’y manaig sa atin ang pusong bukas at malaya, upang bigyang-pansin ang mga taong nasa laylayan ng ating lipunan; silang karaniwa’y hindi kasama sa bilang, dahil walang maiaambag sa komunidad; silang walang kakayahang suklian ang anumang kabutihan mula sa atin. Matanto nawa natin, na ang lahat ng tinatamasa natin sa ngayon, handog at pagpapala din mula sa Panginoon, na nag-aanyaya sa atin na maging daluyan ng Kanyang pagpapala sa ating kapwa, lalo na, sa higit na nangangailangan.