Ebanghelyo: Lucas 14:25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Hesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat sa kanya.”
Pagninilay:
Maraming pagsubok ang dumarating sa ating buhay: merong malaki at meron din namang maliit. Pero malaki man o maliit, ang bawat pagsubok ay may katapat na lakas na nanggagaling sa Diyos. Dahil hindi tayo pinababayaan ng Panginoon.
Kapanalig, ang krus ang tanda ng pagiging alagad ni Hesus. Kaakibat ito ng buhay Kristiyano. Kumakatawan ang krus sa mga pagsubok, pagpapakasakit at paghihirap. Hindi masasabi ninuman na isa siyang Kristiyano kung hindi siya willing na sumunod sa yapak ni Kristo at pasanin ang krus niya.
We live in a society where suffering and trials are frowned upon. Most of us want an easy life, no suffering and inconveniences. Kaya nga masasabing ang generation natin ngayon ay instant and painless generation. We want everything instant – no effort, no inconveniences, everything quick and painless. Ang ganitong klaseng attitude at kaisipan ay maaaring okay at naaangkop sa ilang sitwasyon at pagkakataon. Pero when it comes to the practice of our Christian faith, hindi natin ito mai-a-apply. Sabi nga ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon, ang sinumang hindi magpasan ng krus at sumunod sa kanya ay hindi puwedeng maging alagad Niya. Ang pagpasan ng krus at pagsunod sa mga yapak ni Kristo ay isang lifetime commitment. Puwede itong humantong sa pag-give-up ng ating mga inaasam, mga pangarap, ari-arian at maging ang sarili nating buhay. Napakalaking hamon ito para sa ating lahat, di ba? Kung itinuturing nating tayo ay followers and disciples of Hesus, how do we respond to this challenge?
Manalangin tayo: Panginoon, nais naming sumunod sa iyong mga yapak sa kabila ng maraming abala na dala nito. Panatilihin mo kaming matatag sa pananampalataya at pag-asa sa gitna ng mga pagsubok at pagdurusa na dumarating sa amin. Tulungan Mo kaming pasanin ang krus sa aming balikat nang may ngiti sa labi at pagmamahal sa aming puso. Amen.