Daughters of Saint Paul

Nobyembre 7, 2016 LUNES Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon / San Florencio

Lk 17:1-6

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito.

            “Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at  kung magsisi'y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.”

            Sinabi ng mga apostol sa Panginoon:  “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.”  Sumagot ang Panginoon:  “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n'yo sa punong malaigos na iyan:  'Mabunot ka't sa dagat ka matanim,' at susundin kayo nito.”

PAGNINILAY

May kuwento tungkol sa isang babae na iniwan ng kanyang asawa at sumama sa iba.  Makalipas ang ilang taon, namatay ang lalaki sa piling ng ikalawang asawa.  Sa araw ng libing, nabigla ang lahat nang biglang dumating ang unang asawa kasama ang mga anak nito.  Ramdam ang tensyon sa lahat nang lapitan ng babae ang ikalawang asawa ng kanyang yumaong mister.  Hinihintay ng lahat ang isang marahas na eksena.  Pero hindi ito nangyari.  Sa halip, niyakap ng babae ang ikalawang asawa at sinabi, “Salamat sa pag-aaruga sa ama ng aking mga anak.  Salamat sa pag-aalaga sa lalaking aking minahal.”  Pagpapatawad!  Sa lahat ng kautusan ng Panginoon, ito marahil ang pinakamahirap gawin.  Paano mo nga ba naman mapapatawad ang taong nagawa kang lokohin, traydurin, at saktan?  Paano?  Kapatid, tumingin ka sa imahe ni Kristo na nakabayubay sa krus.  Dahil ito ang dahilan kaya naging tao ang Diyos — upang tayo’y patawarin sa ating pagkakasala at bigyan tayo ng halimbawa na lahat tayo, makakapagpatawad at dapat magpatawad.  Ikaw na nakikinig sa sandaling ito, hanggang ngayon ba’y may mga tao ka pang hindi napapatawad?  Bakit?  Dahil ba sa sobrang sama at sakit ng ginawa niya sa iyo?  Tanong: Hindi ba’t araw-araw, sobra rin natin kung saktan ang Panginoon?  Paano kung magdesisyon ang Diyos na hindi ka rin patawarin?  Kapatid, totoong mahirap ang magpatawad!  Pero kaya, kung hahayaan natin ang grasya ng Diyos na hilumin ang sugat sa ating puso.  Kaya bago ka pumasok sa araw na ito, isipin mo muna ang lahat ng tao sa buhay mo na nangangailangan ng iyong kapatawaran, at hilingin mo ang grasya mula sa Diyos na makapagpatawad.  Panginoon, maraming salamat po sa walang hanggang pagpapatawad Mo sa akin sa paulit-ulit kong pagkakasala.  Tulungan Mo po akong makapagpatawad sa lahat ng nagkasala sa akin.  Amen.