EBANGHELYO: LUCAS 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyampu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito. At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyampu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung barya ng pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
PAGNINILAY:
Mayroong isang kilalang preacher at manunulat ang nagkwento: Na isang araw, habang gumagala silang pamilya, napagod ang kanyang anak at nagsabing, “Mama, carry.” O “’Nay, pakalong.” Siguro naranasan mo rin ito nung bata ka, no? Ngayong tayo’y tumanda na, anong ginagawa mo kapag napapagod ka? Pagod man yan sa opisina, gawaing bahay o paulit-ulit na lang na problema. Minsan pakiramdam mo, pasan mo ang buong mundo, at wala ka ng pag-asa! Baon sa utang; kasalanan na paulit-ulit na lang; feelingmo, mistula kang isang tupang nawawala sa landas. Sa ebanghelyo ngayon, parang hindi mawari ng isip ko, na iiwan ng Diyos ang siyamnapu’t siyam niyang tupa para lang hanapin ang isang nawawala? Eh paano kung mawala din at mapahamak ang mga maiiwan? Mahirap talagang intindihin! Pero ganito na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Bumaba si Hesus mula sa langit dito sa lupa, iniwan Niya ang kaharian ng Diyos, upang sunduin tayo at pasanin sa Kanyang balikat, at ibalik tayo sa Kanyang yakap at pagmamahal. Kapanalig, nawa’y maisapuso mo ang walang hanggan at walang sawang pagmamahal sa’yo ng Panginoong Hesus. Amen. – Anne Loraine Santos