Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 7, 2020 – SABADO SA IKA-31 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 16:9-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapapabayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Narinig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao pero alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Corazon Mercurio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mga kapatid, napakinggan natin sa Ebanghelyo na deretsahang sinabi ni Jesus na: “Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Sa panahong ito ng pandemya, may dalawang uri ng tao ang lumalabas ang natural na ugali. Una ay yaong mga taongmapagsamantala. Sila yaong mga pinagkatiwalaang mamahagi ng tulong, pero sa halip na ibigay ang nararapat sa mga tao ay kinurakot o ibinulsa nila ang pera. Wala silang pakialam sa pangangailangan ng kanilang kapuwa. Sa kabilang dako naman, may mga simpleng tao, katulad ng mga drivers, janitors, empleyado, na nakapulot ng malaking halaga, na ibinalik ang pera sa may-ari dahil may pagmamahal at paniniwala sila sa Diyos. Ang halagang napulot nila ay malaki na sanang tulong sa kanilang pamilya lalo na sa panahong ito ng pandemya, pero nanaig sa kanila ang kabutihan, at inisip ang kapakanan ng tunay na may-ari ng pera. Mga kapatid, sa dalawang grupo ng mga tao sa ating lipunan, saan tayo nabibilang? Sa mga tao bang sumasamba sa pera o sa grupo ng mga matatapat na tao na tanging sa Diyos lamang umaasa?  Isang paalaala ang muling hatid sa atin ng Ebanghelyo ngayon😊 Ang kayamanan kasama na ang pera ay mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos upang tayo ay mamuhay ng marangal bilang mga anak Niya. Pero, ang sobra nating paghahangad sa pera at kayamanan, ang maghahatid sa atin sa kapahamakan at maglalayo sa atin sa Diyos.  

PANALANGIN

Panginoon Jesus, sa gitna ng pandemya, napakalakas ng tukso na kumapit kami sa kayamanan ng mundo, sa pera. Kaawaan mo po kami at patatagin sa aming pagtitiwala na ikaw lamang ang makapagliligtas sa amin at hindi mo kami iiwan. Panginoon, sa Iyo kami kumakapit at patuloy na umasa sa Iyong pagpapala. Amen.