EBANGHELYO: Mc 12:38-44
Sinabi ni Jesus sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.” Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila ngunit s’ya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga n’ya ang lahat ng nasa kanya—ang mismong buhay n’ya.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nasasaktan ka ba kung hindi ka kinikilala, pati ang ginagawa mong tulong para sa iyong kapwa? Bakit ka ba nagbabahagi? Para maparangalan ng iyong kapwa o para tumulong lamang ng taus-puso at walang hinihintay na kapalit? Nagmasid si Hesus sa loob ng Templo at napagmasdan niya ang tahimik na pag-aalay ng isang biyuda. Kung tutuusin, napakaliit na halaga ang inihulog niyang limos, pero ang dalawang baryang iyon ang tanging mayroon siya. Maari sanang inihulog niya ang isa, at itinabi ang isa para sa kanyang pangangailangan. Pero hindi! Ibinigay niya nang buong tiwala ang buong sarili sa taimtim at lubos na pag-aalay. Walang pagmamalaki o pagpaparangal sa sarili kundi tanging pasasalamat at pag-ibig sa Diyos. Sa pagtuturo niya sa Templo, binalaan ni Hesus ang mga alagad tungkol sa mga eskriba o mga guro ng Batas na punong-puno ng pagmamalaki sa kanilang sarili. Mataas ang kanilang tingin sa sarili habang hinahamak ang mga karaniwang mamamayan. Itinuturing nila ang sarili na natatangi sa karamihan, dahil sila ang dalubhasa sa Batas. Magara at mamahalin ang kanilang mga kasuotan, at ugali nilang umikot sa pamilihan, para makilala at pagpugayan ng madla. Sa sinagoga o bahay-dalanginan ng mga Judio, madali silang matukoy, dahil may piling upuan na nakalaan para sa kanila. Mahaba kung sila’y magdasal pero lahat ng iyon ay para lamang sila makatanggap ng papuri. Ang masaklap pa, nakikinabang sila sa mga alay ng mga ulila at mga biyuda. Mga kapatid, namumuhi si Hesus sa ano mang uri ng panlilinlang, ginagawa man ito sa kapwa tao o sa Diyos. Maaring hindi katulad ng panlilinlang ng mga eskriba ang ginagawa natin. Pero hindi ba may pagkakataon na nasasaktan tayo kung hindi kinikilala o pinapansin ang ating mga mabuting ginagawa? Para kay Hesus, higit na mabuti na makatanggap tayo ng papuri mula sa Diyos at hindi sa tao. Nakikita ng Diyos ang malinis nating intensyon pati na rin ang mga nakakubli nating magandang gawain. At dahil siya ang laman ng ating puso at isip, siya rin ang tatanggap sa dalisay nating mga alay. Amen.