BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Diyos sa pagpanibago ng ating pag-asang harapin ang bagong araw nang may lubos na pagtitiwala. (Muli natin ihabilin natin sa Kanya ang mga gawain natin sa buong maghapon, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at pagdedesisyon.) Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang pahayag ng Panginoon na “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos.” Pakinggan natin ito sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labing-apat, talata Labinlima hanggang Dalawampu’t apat.
EBANGHELYO: Lk 14:15-24
Sinabi kay Jesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang mga makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat. Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’”
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Napakahilig nating mga Pilipino sa mga handaan. Lahat ng okasyon – kaarawan, binyag, kasal, at libing – tiyak hindi kumpleto, kung walang salo-salo. Pagkatapos ng Misa, mesa! Kaya kung may magkukumbida sa pista o kainan, napakahirap tumanggi, lalo na kung mahalaga o minamahal natin ang nag-anyaya. Sa Mabuting Balita, natunghayan natin kung paanong inihambing ni Hesus ang Kaharian ng Diyos sa isang malaking piging na kung saan ang lahat ay imbitado. Ang nakalulungkot rito, ang maituturing na “mortal sin” sa ganitong okasyon: ang tumanggi! Ang nagpatindi pa rito, may iba’t ibang prayoridad ang mga inimbita kaysa makasama at makasalo ang lalaking nagmagandang-loob na anyayahan sila. // Mga kapatid, araw-araw tayong inaanyayahan ng Diyos na makapiling Siya sa piging ng pagmamahal. Hindi po ito nangangahulugang araw-araw tayong magsisimba! Sa halip, sa tuwing pinipili nating ibigin ang ating makulit na asawa’t mga anak, magulong kamag-aral o ang nakakainis at toxic na katrabaho, nakikiisa at nakikisalo tayo sa Diyos, na unang tumatawag at unang umiibig sa atin. Ito ang sikreto ng kabanalan! // Sa araw na ito, hilingin natin sa Diyos na maging sensitibo sa Kanyang mga paanyaya’t inspirasyon, upang makatugon tayo nang buong pagmamahal. Huwag nawa natin palampasin ng pagkakataong makasama ang Diyos ngayon; piliing umibig – piliing maging banal.