Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 8, 2020 – IKA-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mt. 25:1-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Bro. Enzo  Muega ng Diocese ng San Pablo ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mga kapatid, parang ang “harsh” ng Panginoon sa huling bahagi ng Mabuting Balita ngayong Linggo, nang sabihin niya sa limang hangal na dalaga, “Hindi ko kayo nakikilala!” Paano ba natin ito uunawain? Ang mga huling Linggo ng kalendaryo ng Simbahan ay palaging nakatuon sa paghahanda sa wakas ng panahon o ang muling pagdating ni Hesus. Muling pinapaalala sa atin ng Panginoon, kung gaano na ba tayo kahanda sa pagtanggap, sa kanyang muling pagdating. Katulad ng pangyayari sa pagpasok ng lalaking ikinasal, hindi na nagpapapasok ng ibang tao sa kasalan. Maaaring ihambing natin ito sa pagdating ni Hesus. Kapag ang Panginoon na ang pumasok sa ating buhay, wala na dapat tayong ibang i-e-entertain na distractions. Mga kapatid, maghanda tayo sa pagdating ng Panginoon upang tayo ay kanyang makilala sa banal na bangkete sa langit.  Amen.