Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 8, 2023 – MIYERKULES SA IKA-31 LINGGO NGA KARANIWANG PANAHON |  Santa Isabel de la Trinidad 

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules ginigiliw kong tagasubaybay ng programang ito.  Kumusta po kayo?  Nawa’y nasa Mabuti kayong kalagayan at laging inuuna ang pagdarasal at pagpapasalamat sa Diyos bago simulan ang bagong araw.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.    Maririnig natin ang pahayag ng Panginoon na “Hindi puwedeng maging alagad Niya ang di tumalikod sa lahat ng Kanya.”  Pakinggan natin ito sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labing-apat, talata dalawampu’t lima hanggang tatlumpu’t tatlo.

EBANGHELYO: Lk 14:25-33

Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ng pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ “At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan nyo bang maging fan ng isang celebrity? Isa ka bang ARMY? – mga fans ng BTS – isang sikat ng korean boy band; o isa ka bang SWIFTY? – mga fans ni Taylor Swift, isang American pop singer. Nakakabilib ang suporta nila sa kanilang lodi – marami silang isinasakripisyo, nag-iipon para makapanood ng concert, o para makabili ng album at ibang merchandise. Sa dami nila, hindi na sila nakikilala ng kanilang idol. // Sabi sa Mabuting Balita ngayon, “sumama kay Hesus ang napakaraming tao.” So, parang celebrity si Hesus at meron siyang mga loyal followers. Pero ibang-iba siya sa mga artista at kilalang singers. Hinarap niya ang mga sumusunod sa kanya at sinabi na hindi madali ang maging alagad niya. Mahirap ang requirements: Kailangan, siya ang number one sa buhay mo – hindi ang magulang, kapatid, asawa’t anak, maging ang sarili. At hindi lang yan. Kailangan ding magpasan ng krus para makasunod sa kanya. Tanong nga ng mga kabataan, “keri bells ba natin yan?” // Kapatid, hindi biro ang maging alagad ni Hesus! Pero alam n’yo ba? Kapag tinalikuran mo ang lahat ng mahalaga at minamahal mo para kay Kristo, ibabalik niyang lahat nang mas ganap sa iyo, wastong sukat, siksik, liglig, at umaapaw ang biyaya dito sa lupa pati na sa langit!  // Kaya, tara na!

PANALANGIN

Panginoon, bigyan mo kami ng lakas at tibay ng loob upang sundan ka sa araw-araw. Amen.