JUAN 2:13-22
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem si Jesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Jesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Jesus. Nang bumangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
PAGNINILAY:
Ang makasaysayang Basilika ni San Juan de Letran sa Roma, itinayo noong ikaapat na siglo. Ito ang Simbahang Katedral ng mga Santo Papa, na nagsilbi ring kanilang tirahan bilang Obispo ng Roma at pastol ng unibersal na Iglesia. Nais pagtuunang pansin ng Kapistahang ito hindi lang gusali ng simbahan, kundi ang kinakatawan nito. Ang gusali ng simbahan kinakatawan ang mga mananampalatayang kasapi dito; kung paanong ang parokya sumasagisag sa komunidad na sumasamba dito. Ang gusali, ang bahay ng Diyos, nagpapaalala sa atin na tayo mismo pinananahanan ng Diyos dito sa mundo. Mga kapatid, ang tagpo ng paglilinis na ginawa ni Jesus sa Templo sa ebanghelyo ngayon – nagpapaalala sa atin na bilang mananampalatayang Kristiyano, kailangang maging masigasig tayong alagaan ang Bahay ng Ama. Ang bahay na ito, hindi lamang tumutukoy sa banal na gusali, at lahat ng mga bagay na ginagamit natin upang papurihan ang Diyos; kundi kasali din dito ang komunidad ng mga alagad, ang mananampalataya; ang atin mismong katawan bilang mga banal na Templo ng Diyos. Lahat tayo’y inihandog sa Diyos sa Sakramento ng Binyag. Paalala ito sa atin, na lahat ng ating iisipin, sasabihin at gagawin dapat magbigay ng parangal sa Diyos na nananahan sa templo ng ating katawan. Panginoon, marapatin Mo pong maging kalugod-lugod akong templo ng Iyong Banal na Espiritu. Amen.