Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 9, 2019 – SABADO SA IKA-31 LINGGO NG TAON | Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilika ni San Juan de Letran sa Roma

EBANGHELYO: JUAN 2:13-22

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem si Jesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Jesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Jesus. Nang bumangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

PAGNINILAY:

Labis na nagalit si Jesus sa mala-palengkeng eksenang nakita niya sa templo. Noong panahong iyon, tradisyon na sa mga Judio ang pag-aalay ng hayop bilang paglilinis nila ng kasalanan at paghingi ng biyaya kay Yahweh. Pero sa tindi ng emosyong ipinakita ni Jesus, nais nyang ipagdiinan na ang templo ay ang tahanan ng Diyos, dapat igalang at bigyang halaga. Higit pa rito nais niyang ipaalam sa kanila na ang pinakadakilang Sakripisyo ay nasa harap na nila. Si Jesus mismo. Ang kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay sa ikatlong araw ang magpapatunay nito. -Vhen Liboon

PANALANGIN:

Panginoon, sana ituring din naming templo ang aming mga puso at panatilihing malinis ito at handang tumanggap sa iyo sa anumang oras. Amen.