Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 9, 2020 – LUNES SA IKA–32 LINGGO NG TAON | Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilika ni San Juan de Letran sa Roma

EBANGHELYO: Jn 2:13-22

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon para Jerusalem si Jesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Jesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Jesus. Nang bumangon siya mula sa patay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa Ebanghelyo na nagalit si Hesus. Galit na galit kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid at ipinagtabuyan ang mga nagtitinda ng mga hayop at tagapagpalit ng pera sa patyo ng templo. Nakakagulat, di ba?  Si Hesus na kilala nating napakabait, mababang loob, at mapagpatawad sa kasalanan, biglang naging violente.  Sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyong gawing bahay-kalakalan ang Bahay ng aking Ama.  Mga kapatid, hindi kailangan ng Diyos ang mga alay at sakripisyong hayop para parangalan natin siya.  Ang kailangan niya’y wagas na pagmamahal mula sa atin na Kanyang mga anak.  Pagmamahal na dumadaloy sa ating kapwang labis na nagdurusa, nahihirapan, naaapi at balewala sa lipunang ating ginagalawan.// Dahil anuman ang gawin natin sa maliliit nating kapatid na ito, ginawa natin sa Diyos.  Sila man ay templo ng Diyos, na pinananahanan ng Kanyang Banal na Espiritu.  Ngayong panahon ng pandemya, maaari ka bang maging mukha ng habag at awa ng Diyos sa kanila, lalo na sa mga pinanghihinaan ng loob at nawawalan na ng pag-asa?