BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Huwebes, ika-siyam ng Nobyembre, Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilika ni San Juan de Letran sa Roma. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang madramang tagpo ng paglilinis na ginawa ng Panginoong Hesus sa Templo na labis namang ikinagulat ng mga Judio, sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata dalawa, talata Labintatlo hanggang Dalawampu’t Dalawa.
EBANGHELYO: Jn 2:13-22
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa Jerusalem si Hesus. Natagpuan niya sa patyo ng templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Hesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay-kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Hesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Hesus. Nang bumangon siya mula sa patay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Hesus.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Cl, Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Mga kapatid, paano kung pumunta si Hesus ngayon sa Quiapo? Hahambalusin niya rin kaya ang mga nagtitinda ng damit ng Sto. Niño? Titigpasin niya din ba ang mga sampaguitang ibinibenta ng batang maliliit para sa kanilang pangkain sa maghapon? Paano kung sa Baclaran? Itatapon ba ang mga pantalong nasa kariton? Mga batya, tabo at hanger na paninda ng aleng nagsisikap upang may pantustos sa pang araw-araw na kailangan ng kanyang pamilya? Lupit naman nun! Normal po noong panahong iyon na magtinda ng ilang hayop sa labas ng templo. Ito’y iniaalay ng mga tao bilang hain sa Diyos. Pero maling kalakaran ang nagaganap. Pinapatungan ng mas malalaking halaga ang hayop na hain. Ang templong dapat nagpapaalala sa atin ng pagkakaisa sa pagmamahal ng Diyos ay naging kuta ng mga MANDARAMBONG at GANID. Kaya ito ang ikinagagalit ng Panginoon, ang kawalan ng paggalang sa Templo ng Diyos bilang bahay-dalanginan. Nawa’y sa tuwing pumapasok tayo sa Simbahan para magdasal, ibigay natin ang nararapat na paggalang sa templo kung saan katatagpuin natin ang Diyos para manalangin.