Daughters of Saint Paul

Nobyembre 9, 2024 – Sabado | Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma

Ebanghelyo: JUAN 2,13-22

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon para Jerusalem si Hesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Hesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Hesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Hesus. Nang bumangon siya mula sa patay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Hesus.

Pagninilay:

Nagbahagi po si Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul sa ating pagninilay.

Ipinagdiriwang ngayon ang kapistahan ng dedikasyon ng Basilika Laterano sa Roma. Ito ang pinaka-unang basilica o simbahan ng Diyos sa buong mundo. Masasabing ang Basilica ng St. John Lateran ang parokya ng lahat ng mga Katoliko, dahil ito ang katedral ng Santo Papa. Isa ito sa mga simbolo ng ating pagkakaisa bilang Simbahang Katoliko, ang katawang mistiko ni Kristo.

Ang simbahan ang espirituwal na tahanan ng bayan ng Diyos kung saan sila magkakasamang nananalangin, nagpupuri at nagpapasalamat. Ipinapaalala rin ng kapistahang ito na kay Kristong Muling Nabuhay, ang bagong Templo, bawat isa sa atin ay isang “templo ng Diyos.” Oo, kapanalig, tayo ang templo ng Diyos. Tinatawag tayo ni San Pablo na mga buhay na bato na bumubuo sa Templo, sa Simbahan, dahil sa Banal na Espiritu na nananahan sa lahat ng mananampalataya.

Idalangin natin ang ating mga simbahan at mga banal na lugar kung saan nakakatagpo natin ang Diyos. Idalangin din natin ang ating parokya, diyosesis, ang Simbahang Katolika, ang Santo Papa at ang bawat mananampalataya. Nawa’y magkaisa tayo sa pagpupuri at pasasalamat, sa panalangin at pagmamahalan, at sa buhay ng kabanalan.

Upang sa ating pagkakaisa ay tunay na madama ng lahat ang presensya ng Diyos. Amen.