EBANGHELYO: Lk 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sadyang may taong takot mabigo, kaya takot ding sumugal sa buhay o magsikap. May mga tao naman na tunay na madiskarte, tulad na lang ng mga nawalan ng trabaho o nabawasan ang araw ng trabaho ngayong panahon ng pandemya. Gumagawa sila ng paraan para madagdagan ang kanilang kita. Napapansin ko, na ang mga taong simple ang pananampalataya sa Diyos, magaan ang pagtanggap ng hamon ng buhay. Sila, para sa akin ang palatandaan na buhay ang Diyos… sila, ang mga taong tunay na pinagpala. Sa Ebanghelyo ngayon, humingi ng palatandaan ang mga tao kay Jesus, palatandaan na Siya ay anak ng Diyos Ama. Si Jesus ang ipinangakong Tagapagligtas. Totoo na hindi lahat ng tao ay madaling maniwala. Ang iba ay nangangailangan ng palatandaan. To see is to believe ang sabi ng iba. Mga kapatid, kanino tayo natutulad? Kailangan pa ba natin ang palatandaan upang manampalataya? Sa panahong ito na hindi pa natatapos ang pandemya, nawa’y magawa nating tumulong pa nang higit sa ating kapwa. Maging halimbawa nawa tayo ng lakas ng loob para sa kanila. Huwag sana tayong magsawa at mapagod. Panatilihin nating matatag ang ating pagtitiwala sa Diyos. Marami pang mga lugar sa ating paligid ang lockdown, pwede tayong magpadala sa kanila ng kahit isang kilong bigas o konting pang-ulam. Sa konting tulong sa ating kapwa mararanasan nila ang presensya ng Diyos. Maging tanda nawa tayo ng pag-ibig ng Diyos. Amen.