EBANGHELYO: Lk 11:47-54
Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa Mga Propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang Mga Propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. At sinabi rin ng karunungan ng Diyos: “Nagsugo ako sa kanila ng Mga Propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.” Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na nakipagtalo sa kanya. Pinapagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Rev. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. May kanya-kanya tayong pagkukulang, pagkakamali at pagkakasala. Pero sa kabila ng mga nito, muli’t muli tayong tinatanong, papaano ba natin ito hinaharap? Binibigyang-pansin ba talaga natin ito o baka tinatago o nagkukunwari tayong walang ginawang pagkakamali?// Sa ebanghelyo, ang pagkukunwari ng mga Pariseo ang pinupunto ni Hesus na pagiging sawimpalad. Pilit nilang tinatakpan ang kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng paglilinis ng kanilang panlabas na pisikal pangangatawan o di kaya naman sa kanilang hindi pag-amin ng kanilang maling nagawa. Ito rin ang pinapaalala sa ating lahat. Huwag nawa nating pagtakpan ang ating pagkakamali sa pamamagitan ng pagiging malinis sa ating pisikal na katawan o maging sa panlabas na mga bagay. Bagkus, bigyan natin ito ng pansin at aminin at tanggapin ng may pagpapakumbaba.Tandaan, hindi nalilinis ang isang maruming bagay sa pamamagitan ng pagtatakip nito. Mananatili pa ring marumi at mabaho kung tinatakpan lamang ito. Sa bandang huli, hindi nasosolusyunan ang problema bagkus mas lalo pa itong lumalala. Kung kaya’t, kailangan nating pagtuunan ng pansin ang nangyayari sa ating kalooban, ang ating mga kasalanan at pagkakamali. (Ang mga nangyayari sa ating panlabas na katangian o pisikal na pangangatawan ay nagbibigay sa atin ng mga senyales na maaaring may nangyayaring mali sa ating kalooban.) Hanggang kailan ba tayo magbabalat-kayo, magkukuwari? (Kung mayroon mang Pariseo sa panahon natin ngayon, hindi lang siya ang ating kapit-bahay. Baka mas malapit pa siya sa ating inaakala, mas malapit pa kaysa ating mismong bahay.)