EBANGHELYO: Lk 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo. Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapanalig, ang tema natin ngayon ay tungkol sa “takot”. Kaugnay ito sa panic, nerbyos, pagkabahala. Iba-iba lang ng lebel. Ang pagkabalisa mo sa mga anak na kailangan sa bahay lang. Ganundin kapag nagkasakit ng malubha ang isa sa mahal mo sa buhay. O kaya, ikaw mismo na pinaka-aasahan sa pamilya, ikaw pa ang na-ncovid positive. Marami ang nadedepress. Totoo na kung may “fearbola” sa ebola noon. Ngayon naman “fearcovid”. Lahat siguro sa atin binabantayan ang headlines sa mga balita. Bawat umaga o bago matulog sa gabi, magtatanong. Kailan kaya ito matatapos? Sa oras na ito, yakapin natin ang panginginig ng ating mundo. Ang pangangatal ng mga kapatid nating napapanghinaan na ng loob. Palakasin ang loob ng mga lumalaban. Pasayahin ang mga nalulugmok sa pangungulila ng mga pumanaw nilang mahal sa buhay. Manindigan tayo kasama ni Jesus na hindi ang ncovid o sino man o anumang pinagmumulan ng ating takot. Matakot tayo sa mga nagdadala sa atin para sunugin ang ating pananampalataya sa Diyos. Matakot tayo sa nambubuyo sa atin na magkasala. Matakot tayo sa humihila sa atin sa dilim at binubulag ang ating budhi. Kilalanin natin sila at tumakbo tayo kay Jesus at maging panatag. Kanino pa tayo matatakot kung kasama natin si Jesus? (Manalangin tayo. Panginoong Jesus, aming Tanggulan, sa anumang ispiritwal na pananakot, patatagin mo kami at iligtas. Hiling namin ito kayakap ang aming Inang si Maria. Amen.)