EBANGHELYO: Lk 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.”At idinagdag pa ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang aking gagawin? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang aking gagawin, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami ka ng ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sa panahon ngayon, napakaraming insurance company. Meron pang insurance investment. Sa isang banda, maganda ito kung hindi fake o nanloloko lamang. Sa talinhaga ngayon narinig nating sinabi ni Jesus na nagpagawa ng mas malaking bodega ang taong mayaman para sa kanyang mga trigo. Sigurista, maraming aning trigo kaya dapat mas malaking bodega. Hindi naisip ng taong mayaman na ibahagi ang trigo sa ibang maaaring walang makain. Mga kapatid, itinuturo at ipinapakita sa atin ni Jesus na mahalaga ang materyal na bagay. Pero ipinapakita din sa atin, na ang sobrang pagmamahal sa materyal na bagay ay makakasira din sa ating pagkatao. Naalala ko tuloy ang aming Nanay. Lumaki ako na nakita ang pagiging matulungin niya sa kapwa. Kapag dumating na ang bigas namin noon galing bicol, nagbabalot na sya ng tig dawalang kilo para ipamigay sa mga kamag-anak. Kahit ang Tatay namin, sinasabi, mas mabuti ang makabigay sa kapwa kesa ikaw ang manghingi. Nawa’y sikapin nating mag-ipon ng yaman sa langit, sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa. Amen.