Daughters of Saint Paul

OCTOBER 20, 2020 – MARTES SA IKA-29 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 12:35-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi s’ya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating n’ya at pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating n’ya. Maniwala kayo sa akin, isusuot n’ya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man s’ya sa hatinggabi o madaling-araw at matagpuan n’ya silang ganito, mapalad ang mga iyon!”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Rev. Sebastian Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Parte na ng buhay natin ang paghihintay. Ang isang manggagawa, habang hinihintay niya ang araw na tatanggapin niya ang kanyang sahod, pagtatrabahuan niya muna ito. Ang isang magsasaka, simula sa pagtatanim at habang hinihintay niya ang araw ng anihan, ang mga bunga ng pananim, dinidiligan at nilalagyan niya ito ng pataba upang gumanda ang tubo at maging hitik ito sa bunga.//  Ito ang itinuturo sa atin ng ating Panginoong Hesus sa araw na ito. Hiram sa Diyos ang ating buhay. Darating ang araw na babawiin sa atin ng Diyos ang hiram nating buhay. Paano ba natin ginagamit ang ating buhay dito sa mundo? Namumuhay ba tayo ng walang kabuluhan, yung tipong hinihintay lang natin ang ating pagpanaw?//  Mga kapatid, ginawa tayo ng Diyos na may kaakibat na misyon. Hindi tayo nabubuhay sa mundo ng walang dahilan. Nilikha tayo ng Diyos dito sa mundo upang magmahal at magpakabanal. Ito ang magiging batayan ng Diyos sa pagsusulit sa atin, pagkatapos ng maikling buhay natin sa mundo – kung namuhay ba tayo sa pagmamahal at pagpapakabanal.// Pawang manglalakbay lamang tayo dito sa mundo. Kaya pinapaalalahanan tayo ng ating Panginoong Hesus ngayon na maging mapagmatyag at maging laging handa, dahil tunay na hindi natin nalalaman kung kelan Niya babawiin ang hiram nating buhay. Kung mulat tayo sa katotohanang ito, na hiram lang buhay at babawiin ito ng Diyos sa oras na Kanyang itinakda, sigurado akong wala tayong sasayangin na sandali…para di gumawa ng mabuti. At kung marami tayong naitanim na kabutihan habang tayo’y nabubuhay, mag-iiwan ito ng magandang alaala sa mga mahal natin sa buhay at sa mga taong na-inspire ng ating mabuting pamumuhay. Life is too short to become angry and bitter.  Kaya kung may mga tao pa sa ating buhay na hindi natin mapatawad, patawarin na natin sila sa tulong ng Banal na Espiritu bago maging huli ang lahat.  Amen.