Daughters of Saint Paul

OCTOBER 25, 2020 – IKA-30 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Prison Awareness Sunday

EBANGHELYO: Mt 22:34-40

Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya’t sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may isa pang ikalawa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Rev. Oliver Occena Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Naiiyak ka pa ba sa tuwing nakakakita ka ng taong walang makain? Nalulungkot ka pa ba sa tuwing maraming namamatay ng walang hustisya? Naaantig pa ba ang puso mo sa mga mahihirap? Kung hindi na, naku, baka manhid ka na rin pati sa boses ng Diyos.//  Mga kapatid, ang pagmamahal sa Diyos ay hindi lamang dinaraan sa pagdarasal, sa pagsisimba tuwing Linggo o kahit araw-araw, o pagtupad sa lahat ng obligasyon mo sa simbahan. Nagiging makatotohanan lamang ang ating panalangin at pagmamahal sa Diyos, kung ito ay nagdadala sa atin na makilala siya sa mukha ng ating mga kapatid, lalung-lalo na sa mga naghihirap at nangangailangan ng ating tulong at pagmamahal.// Kapag mahal mo ang Diyos, mahal mo rin dapat ang mahal niya. At kung mahal mo sila, hindi lang dapat sa salita, kundi pati sa isip at gawa. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na dalhin natin ang langit dito sa lupa, sa pamamagitan ng ating konkretong pagmamahal sa ating kapwa. Ang pag-ibig ay nagpapalaya. Kung ang ating pagmamahal ay para lamang sa ating sariling kapakanan, pagdadamot ang tawag doon. Ang tunay na pagmamahal kapag naka-ugat sa Diyos ay nagpapalaya ng taong ating nasaktan, nagpapalaya ng mga taong naghihirap, nagpapalaya ng katotohanan upang mapuksa ang kasinungalingan, nagpapalaya ng taong pinagkaitan natin ng ating kapatawaran, kahit masakit at mahirap. Ang tunay na umiibig hindi nagsusukat at nagbibilang, dahil siya’y umiibig lamang ng umiibig. Dahil ang tunay na pag-ibig ay katulad ng kay Kristo—nagpapalaya.// 

PANALANGIN:

Panginoon, tulutan mong makita kita sa mukha ng mga taong nasa aking paligid. Bigyan mo ako ng kakayahan at lakas na maipakita sa kanila ang iyong pagmamahal. Turuan mo akong umibig ng walang pag-iimbot. Turuan mo akong magpalaya sa pamamagitan ng pag-ibig. Amen.