Daughters of Saint Paul

OCTOBER 27, 2020 – MARTES SA IKA-30 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 13:18-21

Sinabi ni Jesus: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng Langit.” At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang Kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Rev. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Tulad ng isang buto ng mustasa, ang mabubuti at masasamang bagay ay nagsisimulang maliit pero kung patuloy itong inaalagaan, ginagawa o di kaya naman pinapabayaan, malaki ang potensyal nitong lumago at makaapekto sa ating buhay.// Ito ang mensahe sa atin ng dalawang talinghaga. Kung kayang lumago ng buto ng mustasa ng Labindalawa hanggang Labinlimang talampakan, at kung kayang paalsahin ng lebadura ang buong masa, ganito rin ang maaaring maidulot ng mga maliliit na bagay o maliliit na gawain sa ating buhay. Halimbawa, ang mga salitang thank youI love youI’m sorry ay maaaring binubuo lamang ng iilang salita, pero tiyak ang potensyal nitong makapagpabago ng buhay at damdamin ng isang tao, kung sasabihin ito ng bukal sa kalooban at sa tamang panahon at oras. Maaaring pangkaraniwan lamang ito sa ating pandinig, pero maaaring magdulot ito ng pagbabago na higit pa sa ating inaakala kung gagamitin sa tamang panahon at sa tamang intensyon.// Gayundin naman, ang pagtulong sa kapwa ngayong pandemya. Gaano man ito kaliit basta’t galing sa kaibuturan ng ating puso, may malaking epektong maidudulot ito, hindi lang sa taong tinutulungan natin, kundi higit sa lahat sa ating mga sarili. Ito ang tunay na milagro. Ito ang pagsisimula ng kaharian ng Diyos.// Huwag nawa natin isantabi ang mga mabubuting asal na itinuro sa atin ng tayo’y bata pa lamang. Muli’t muli natin itong sariwain at isabuhay dahil kahit gaano man ito kinakalimutan ng ibang tao o kahit gaano man ito pangkaraniwan, may malaking epekto naman ito sa ating buhay at sa bawat taong nakasasalamuha natin.