EBANGHELYO: Lk 13:31-35
Dumating ang ilang Pariseo at binalaan si Jesus: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kang ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan ninyo ang musang na yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko. Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang Mga Propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw Ngunit tumanggi ka nga. Ngayon, maiiwan sa inyo ang inyong bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi ninyo na ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin ninyong ‘Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’”
PAGNINILAY:
Malinaw na ipinakita sa atin ng Mabuting Balita ngayon ang labis na pagmamahal ni Jesus sa Kanyang sambayanan. Ibinuhos Niya ang Kanyang oras at panahon sa pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng demonyo, at pagtuturo bilang tanda ng Kanyang pagtupad sa kalooban ng Ama. Kaya masasabing ang Panginoong Jesus ang naging sagisag ng Awa at Habag ng Diyos sa mga nangangailangan at nangungulila. Hindi naging hadlang ang tangkang pagpapatay sa Kanya ni Herodes. Dahil mas nais ng Panginoon na mamatay, kaysa isawalang bahala ang pagsunod sa kalooban ng Ama. May mga pagkakataon sa ating buhay na nahihirapan tayong gumawa ng mabuti, dahil ayaw nating mabansagan na pakitang-tao lamang ang kabutihang ginagawa natin. Pero alalahanin natin mga kapatid, na nalalaman ng Diyos ang tunay na motibasyon sa ating puso sa tuwing gumagawa tayo ng kabutihan, at ‘yun ang mas mahalaga. Kaya huwag nating intindihin kung ano man ang sasabihin ng iba. Patuloy pa rin tayo sa paggawa ng kabutihan, pansinin man ito ng tao o hindi. Ang mahalaga naipapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa. Mga kapatid, hangga’t taglay natin ang pusong handang sumunod sa kalooban ng Diyos, at hindi tayo nalalayo sa Kanyang pag-ibig na handang kumupkop sa atin sa oras ng pagsubok – wala tayong dapat ikabahala, anuman ang isipin ng iba. Suriin natin ang sarili, may mga pagkakataon ba sa ating buhay na binalewala natin ang paanyaya na gumawa ng mabuti?
PANALANGIN:
Panginoon, patawarin mo po ako sa maraming pagkakataong binalewala ko ang paggawa ng mabuti lalo na sa mga nangangailangan. Pakabanalin Mo po ang aking pagsisikap na lumago sa Iyong pagmamahal at sa pagtupad ng aking mga tungkulin ayon Sa’yong kalooban. Amen