EBANGHELYO: Lk 10:17-24
Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa Langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama naging nakalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakikilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinuman gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan: “Mapalad ang matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita ngunit hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul. Nagpalayas ng mga demonyo ang mga alagad. Tuwang-tuwa sila. Nagalak din si Jesus dahil nai-apply ng mga alagad ang kapangyarihan na ibinigay niya sa kanila. Sabi pa nga ni Jesus, “Oo, nakita ko nga na nahuhulog si Satanas mula sa langit.” Dito sa atin, marami ang isyu na nasasapian ng masamang espiritu. At ang Simbahan natin, hindi nagkukulang sa pagtugon dito. May samahan ng Catholic Exorcists na nasasakupan ng Catholic Bishops Conference dito sa Pilipinas. Silang mga pari at ilang mga kapanalig natin, na connected sa International Association of Exorcists sa Roma, Italia. Sila mismo nakapagpapatotoo na malakas ang puwersa ng demonyo. Sila mismo naha-harass. Gusto silang pahinain. Sa paghahanda ko para i-share ko ito sa inyo, kinikilabutan ako. Gusto niya akong pigilan. Mga kapanalig, nilikha tayong lahat mula sa likas na pagmamahal ng Diyos. Loob Niya na mamuhay tayong may malalim na ugnayan sa Kanya. Sa katunayan, sabi ni Jesus nakalista na ang ngalan natin sa Langit. Kaya dito tayo humawak. Tulungan na rin natin ang mga exorcists na sumipa sa diyablo.
PANALANGIN:
Panginoon, hiling namin na sana na kahit isang patak ng kabanalan, pakihulog po naman ngayon nang kami ay mapanibago. O Maria, sa iyong kalinis-linisang puso, isilong mo kami. Amen.)