Daughters of Saint Paul

OCTOBER 31, 2020 – SABADO SA IKA-30 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 14:1, 7-11

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minanmanan naman nila siya. May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa sa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Sinabi ni Jesus sa puno ng mga Pariseo na       nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak mo o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo at magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Rev. Oliver Occena Par ng Society of St. Paul. Takot ka bang mapahiya sa harap ng maraming tao? O makutya dahil sa iyong pagkakamali? O baka naman, hindi ka naman talaga takot mapahiya, ang totoo’y ayaw mong magpakumbaba.// Mga kapatid, natural na dumarating sa ating buhay ang mga panahong kailangan nating harapin ang mga kahihiyan at pangungutya. Hindi makasasama sa iyo ang maranasan ang mga ito, lalo na kung ito ay parte ng iyong paglaki, pag-tanggap na ikaw ay nagkamali, pagsasakripisyo alang-alang sa iyong mga minamahal, o di kaya naman ay pagtayo, alang-alang sa katotohanan. Walang masama kung ikaw ay mapapahiya dahil ikaw ay nagmamahal, nagtatanggol sa katotohanan, at umaamin sa iyong pagkakasala. Kaya tingnan mo ito bilang isang pinto, patungo sa mas malakas at matapang at mapagmahal na ikaw. Gawin mong paraan ang iyong pagkakapahiya at pagkakadapa bilang hamon, upang bumangon at matuto sa iyong pagkakamali.// Kapatid, hindi Showtime ang Kaharian ng Diyos. Wala sa kung sino ang mas matalino, mas malakas, mas magaling, o mas maraming alam ang magbibigay sa Diyos ng dahilan upang tayo’y kanyang mapansin. Ang mga taong nabibilang sa Kaharian ng Diyos ay mga taong totoong nagmamahal, at mga taong puno ng pagpapakumbaba. Una na tayong minahal ng Diyos, bago pa man tayo nagmahal sa kanya. Kaya nga wala tayong maipagmamayabang sa kanya.

PANALANGIN:

Panginoon, turuan nyo po akong maging bukas sa iyong kaloob na biyaya sa mga nangyayari sa akin sa araw-araw. Amen.