Daughters of Saint Paul

OCTOBER 5, 2020 – LUNES SA IKA-27 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 10:25-37

May tumindig na isang guro nang Batas upang subukin si Jesus. “Guro, ano ang aking gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan?” “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. …binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon… Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan… pagkakita nito sa kanya. …Isinakay nito ang tao sa kanyang sariling hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbabalik ko.’” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin ang tugon ni Jesus sa guro ng Batas na nagtanong, tama na mahalin ang Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buong lakas at nang buo mong pag-iisip. At ang mahalin ang kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili. Samakatuwid, ang pagmamahal sa Diyos ay hindi dapat nalalayo sa pagmamahal sa kapwa. Kung si Jesus ang mukha ng Diyos Ama, ang ating kapwa naman ang mukha ni Jesus sa ating piling. At kung ano ang ginawa natin sa ating kapwa ay ginawa natin kay Jesus. Sinasabi din na hindi tayo lubusang makapagbibigay ng pagmamahal sa ating kapwa kung hindi muna natin mamahalin ang ating sarili. Kaya kapatid, mahalaga na hindi tayo maging mahigpit sa ating sarili; unawain din natin na sa ating pagkakamali, tinuturuan tayo ng Diyos ng kapakumbabaan. Madaling tayong makauunawa ng kahinaan ng ating kapwa, kung inuunawa din natin ang ating sarili. Amen.