EBANGHELYO: Lk 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung papaanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Values are caught.” Naalala ko nang minsang nagbakasyon ako sa bahay ng aking kapatid. Isang gabi nadatnan ko sa kwarto ang aking kapatid na nagdarasal katabi ang kanyang bunsong anak. Mula sa pintuan ng silid, akala ko marunong nang magbasa ang bata, pero nang lumapit ako napansin kong baliktad ang hawak nya sa nobena. Napangiti ako sa nakita ko dahil ginagaya lamang pala ng bata ang kanyang inang nagdarasal. Ganito rin ang nakita ko minsan sa Paulines Media Center Prayer Room. Nagalak ako nang makita ko ang mag-amang Jerome at Yohan na nagdarasal at talaga namang kung gaano kataimtim na nagdarasal ang ama ay gayon din ang anak. Naniniwala po ako mga kapanalig na ganito rin ang naramdaman ng mga alagad ni Jesus. Sabi sa talata 1, nang matapos manalangin si Jesus, hiniling ng kanyang mga alagad na turuan sila nitong manalangin. Naakit marahil ang mga alagad sa relasyon ni Jesus sa Ama na ugat ng kanyang pagmamahal sa kanila at sa mga tao. Ito rin ang kailangang makita nang mga anak sa kanilang mga magulang. Kailangan makita ang magandang epekto ng pagdarasal sa taong kanilang tinitingala at ginagaya. Isa sa mabubuting panalangin na magandang ipamana sa mga bata ang pagdarasal ng Santo Rosaryo, kung saan ating ipinagdiriwang ang kapistahan ngayon. Maraming buhay na ang naligtas at naakay sa tamang landas sa tulong nito. Maraming pari at madre ang nagpersevere hanggang sa huling hininga dahil sa debosyong ito. Palalimin pa natin ang ating relasyon at pagkakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagdasaral at pagmumuni-muni ng Santo Rosaryo sa paggabay ng ating mahal na Inang si Santa Maria.