EBANGHELYO: Mt 18:1-4
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila s’ya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. At nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, pinararangalan natin sa araw na ito si Santa Teresita ng sanggol na si Hesus. Isa siyang simpleng Karmelitang madre na may matatag at malalim na pagkakaunawa sa buhay espiritwal. Malakas ang kanyang paninindigang kamtin ang Kaharian ng Diyos. Katangi-tangi ang kanyang pagiging masigasig sa gitna ng mga paghihirap at pagsubok na kanyang niyakap nang may pagmamahal. Itinuro niya sa atin at sa buong mundo, ang maliliit na paraan para makamit ito. Maging katulad ng isang maliit na bata sa harapan ng Diyos, at pakabanalin ang anumang maliliit na gawaing ginagampanan natin araw-araw. Maging ito’y simpleng paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba at iba pa. Dahil anumang maliliit na bagay na ginagampanan natin, ay maaaring maging daan tungo sa kabanalan kung isasakatuparan ito nang may pagmamahal sa puso. Ayon pa kay Santa Teresita, hindi na natin kinakailangang gumawa ng mga kamangha-mangha at dakilang bagay para kamtin ang kabanalan at ipahayag ang pagmamahal natin sa Diyos. Ang pagmamahal na ipinapakita sa gawa – ang ating mga pagtitiis at sakripisyo sa pagtupad ng ating mga tungkulin, ay sapat ng tanda ng ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.
PANALANGIN
Panginoon, itulot Mo pong matularan ko si Santa Teresita sa kanyang pagpapakumbaba at pananatiling maliit na bata sa harapan Mo. Tulungan Mo po akong pakabanalin ang anumang maliliit o karaniwang gawain na ginagampanan ko araw-araw. Maisakatuparan ko nawa ito nang may pagmamahal. Amen.