Ebanghelyo: Lucas 9, 51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Hesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala s’ya ng mga sugo upang mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Ngunit ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta s’ya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain sila?” Lumingon si Hesus at pinagwikaan sila at sa ibang bayan sila nagpunta
Pagninilay:
Mag-aapat na buwan na po mula nang pumanaw ang aming ina. Mamang po ang tawag naming sa kanya at ganun din ang lahat ng aming kakilala, kasi Mamang daw siya ng lahat. Simple at puno ng pagmamahal ang kanyang debosyon sa Panginoon, sa Mahal na Birhen at sa mga Santo. Isa na rito si Santa Teresita na nagturo ng kanyang the Little Way, ang maliit na daan patungo sa langit. Ito ay ang paggawa ng mga simple, ordinaryo at maliliit na bagay nang may dakilang pagmamahal. Tulad ni Santa Teresita, masayahin, magiliw at laging handang tumulong si Mamang. Marami sa nakiramay noong lamay niya ang hindi naming kilala. Mga senior citizens na binibisita pala ng Mamang araw-araw para mag-monitor ng kanilang blood pressure; mga maysakit na itinawag niya ng pari upang makapagkumpisal at mapahiran ng banal na langis; mga batang naturuan niyang mag-rosaryo; mga kalapit bahay na nadalhan niya ng mga libro ng Ebanghelyo, at mga dasalan. Simple lang ang pagka-Kristiyano ni Mamang. Magdasal, sumimba, tumulong sa kapwa, magpatawad, magmahal sa lahat, kahit na yung nangungutya at nagmamaliit sa kanya. Kapag may nararamdaman siyang sakit sa katawan at maging sa kalooban, ang bukambibig niya ay “Thank you, Jesus!” Kasi natutunan niya kay Santa Teresita na “To be a saint, one has to suffer much.” Nung tinanong ko kung ano ang gusto niyang pakatandaan namin, sabi ni Mamang, “Magmahalan kayo at magpakumbaba.” Hindi ba ito rin ang itinuturo ng Panginoon kay San Juan at Santiago nang gusto nilang tumawag ng apoy para puksain ang mga Samaritanong ayaw tumanggap sa kanila?