Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 10, 2023 – MARTES SA IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON  | San Daniel Comboni

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Dakilain ang Diyos nating Mapagmahal na nag-aanyaya sa atin ngayon na balansehin ang ating buhay panalangin at buhay paglilingkod. Sa kabila ng marami nating pinagkaka-abalahan, mahalaga ang maglaan ng panahon ng pananahimik, pagdarasal at pagsusuri ng budhi, upang malaman natin kung ang atin bang paglilingkod, naaayon pa sa kalooban ng Diyos.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.   Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata sampu, talata tatlumpu’t walo hanggang apatnapu’t dalawa.

EBANGHELYO: Lk 10:38-42

Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Edward Dantis ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “I feel you Marta, damang dama po kita.” Ito ang nais kong sabihin kay Marta sa kanyang sobrang pagkaligalig at pagiging abalang-abala sa paghahanda, sa ating Ebanghelyo ngayon. Lahat-lahat ng kanyang pagluluto, paghahanda at pagsisikap, nais niyang gawin para sa Diyos. Alam niyang galing ang Panginoong Hesus sa isang mahabang lakbayin, kaya nais niya itong ipaghanda ng espesyal at masarap na pagkain. Pero, sa kabila ng kanyang sobrang ka busyhan at pagod, sinabihan siya ng Panginoon, na pinili ng kapatid niyang si Maria ang mas mainam at mas mahusay na bahagi. Tunay namang makararamdam si Marta dito ng kabiguan. Mga kapatid, madalas, abalang-abala rin tayo sa mga gawain natin sa buhay, at hindi tayo mapirmi sa isang tabi. Kapag huminto tayo para magnilay, o magmuni-muni tungkol sa ating buhay, iniisip pa nating nagsasayang lang tayo ng oras, at isa itong katamaran. Pero bilang taga sunod ni Kristo, kailangan din natin maging isang Maria, na mauupo sa paanan ni Hesus upang makinig sa Kanyang salita, to listen to the Word of God. Pagkatapos makinig at makipag-usap sa Diyos sa panalangin, mahalagang isabuhay natin ang bunga ng ating pagdarasal, sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa tao.  May awa ang Diyos sa lahat ng kanyang nilikha. At sa gitna ng ating kalungkutan, at sobrang pag-aalala sa buhay dulot ng samu’t saring suliraning kinakaharap natin – kinakaawaan rin niya tayo. Si Hesus ay nagpakita ng awa, pagmamahal at kahinahunan sa waring nabigong si Marta; kaya dapat din nating piliin si Hesus at magpakita ng pagmamahal at awa sa iba.