Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 11, 2019 – BIYERNES SA IKA-27 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 11:15-26

Nang nakapagpalayas si Jesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang Kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Kapag lumabas sa tao ang maruruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taon iyon kaysa dati.”

PAGNINILAY:

Noon at ngayon, umiiral ang mga demonyo. Alipin sila ng Diabolo. Nilikha siyang mabuti at isa siyang banal na hininga ng Diyos, kaso naging pasaway siya. Kaya Diabolo, o sa grieyego “diabolos”- ibig sabihin ang sumasalungat. Pero kahit sinalungat niya ang Diyos, hindi pa rin nawala ang handog sa kanya na kalooban, dunong, emosyon, sariling kamalayan at kakayanang magsalita. Sa mga alipin niyang demonyo, dahil espiritu sila, masama nga lang, gusto nila na mayroon din silang katawan. Pwedeng kahit kanino iyon. Titira sila para alipinin ang katawan ng tao. Di lang ‘yon. Slave drivers din sila. Bago ka pa mag-isip, itutulak ka na nilang gawin ang masama. Lalo na kung may mabigat na problema o kaya patang-pata ang katawan, doon sila happy, dahil madali tayong maiirita at, makapagbibitaw ng masamang salita na makasasama sa iba. Kung may sabon o alcohol na against bacteria… protektahan din natin ang sarili natin mula sa bacteria o virus ng demonyo. Wala silang karapatan sa atin. Ang Diyos lang na pinagmulan natin, ang may power sa atin. Kung tutuusin, taglay na natin ang panangga sa panloob at panlabas. Una, nasa atin ang banal na hininga ng Diyos. Ikalawa, lagi natin Siyang purihin at bigkasin ang ngalan ni Jesus. Kakaripas ng takbo papalayo ang demonyo. Tiyak yun.   (Sr. Gemmaria de la Cruz, fsp)