Daughters of Saint Paul

Oktubre 11, 2024 – Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay Papa San Juan XXIII

Ebanghelyo: Lucas 11,15-26

Nang nakapagpalayas si Hesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas n’ya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Hesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi n’ya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung may sandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Ngunit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin s’ya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Ngunit wala s’yang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap s’ya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa sa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”

Pagninilay:

Nagbahagi po si Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul sa ating pagninilay.

Isang anak na lalaki mula sa mayamang pamilya ang napabalitang nagpakamatay. Matalino ang binata at halos nasa kanya na lahat ang katangian para maging masaya. Pero sa kabila nito ay winakasan niya ang kanyang buhay. Dumarami sa mga kabataan ang nagtatangkang tapusin na ang lahat dahil sa depression, peer pressure, at iba pang mental health issues. Totoong puno ng hamon ang buhay natin sa mundo.

Sa Mabuting Balita ngayon, sinabi ni Jesus na kapag binantayan ng isang tao ang kanyang bahay, malayo ito at ang kanyang mga ari-arian sa panganib. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya, matatalo siya at maagaw nito ang lahat. Mga kapanalig, totoo po ang demonyo noong panahon ni Jesus, at hanggang ngayon. Hindi po siya kathang-isip lamang. Pinalayas ni Jesus ang demonyo sa mga taong inalipin nito. At sinasabi niya na hindi lang natin kailangang bantayan ang ating kaluluwa, kailangan din nating palakasin ang ating espiritu upang hindi tayo magapi ng masama. Pero paano?

Tinuturuan tayo ng Santo natin sa araw na ito, si Santo Papa Juan XXIII. Meron po siyang dekalogong sinunod araw-araw pero apat lang muna ang aking ibabahagi:

1) Sa araw na ito, sisikapin kong mamuhay nang positibo nang hindi nagnanais na lutasin ang mga problema ng aking buhay nang sabay-sabay.

2) Ngayon araw na ito, magiging masaya ako sa katiyakan na nilikha ako para maging masaya, hindi lang sa kabilang buhay kundi maging sa buhay na ito.

3) Para lamang sa araw na ito, maglalaan ako ng sampung minuto sa mabuting pagbabasa, dahil kung paanong kinakailangan ang pagkain sa buhay ng katawan, kinakailangan ang mabuting pagbabasa para sa buhay ng kaluluwa.

4) Tanging sa araw na ito, magiging matatag ang aking paniniwala, sa kabila ng mga problema, na tanging ang mabuting pagkalinga ng Diyos ay nagmamalasakit sa akin.

Makatulong nawa ang mungkahing ito upang pagtibayin ang ating kalooban laban sa masama.