Lk 11:42-46
Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan n’yo naman ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto n’yong mabigyan ng pangunahing upuan sa sinagoga at mabati sa mga liwasan.
Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at hindi man lang nila namamalayan.
Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito. At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan n’yo ang mga napakabibigat na pasanin, at hindi man lang n’yo hinihipo ang pasanin ng kahit isang daliri.”
REFLECTION
Sa Ebanghelyong ating narinig ipinakikita ni Jesus ang isa na namang halimbawa kung paanong ang mga Pariseo nahuhulog sa bitag ng mababang uri ng relihiyon. Habang napakahigpit nila sa Batas ukol sa pagbibigay ng ikapung bahagi ng kita ng isang tao, bigo naman silang tuparin ang totoong katarungan at katwiran. Panlabas na seremonya lang ang kanilang relihiyon, sa halip na tunay na pagsasabuhay ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Hinatulan ni Jesus ang mga Pariseo dahil sa kanilang mga motibo. Nais nilang hangaan sila, kilalanin at ituring na angat sa iba. Masigasig sila sa kanilang gawain bilang mga pinunong relihiyoso, hindi dahil nais nilang magbigay-papuri sa Diyos, kundi dahil masarap ang pakiramdam nila sa kanilang natatanging katayuan sa lipunang Judio. Inihahalintulad sila ni Jesus sa libingang walang palatandaan kaya’t tinatapak-tapakan lamang. Naitatago nila sa mga tao ang kanilang katiwalian sa likod ng maskara ng pagiging relihiyoso. Mga kapatid, sa buhay natin ngayon, masasabi ba nating totoo at walang halong kaplastikan ang panlabas na pagsabuhay natin ng ating pananampalataya at paggawa ng kabutihan sa kapwa? Hindi ba pakitang-tao lamang ang ating kabutihan dahil may nais tayong hinging pabor sa taong ating tinulungan, o di kaya’y gusto nating maparangalan sa Simbahan o sa lipunang ating ginagalawan? Mga kapatid, nalalaman ng Diyos ang ating mga motibo. Batid Niya ang ating mga plano at ang kaliit-liitang galaw ng ating puso. Wala tayong maililihim sa Kanya. Hilingin natin ang biyayang gabayan Niya tayo sa buhay na ito, at pakabanalin ang ating mabubuting hangarin sa kapwa.