Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 12, 2021 – MARTES SA IKA – 28 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 11:37-41

Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali n’yong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan subalit nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob. Mga hangal! Hindi ba’t ang may gawa ng labas ang siya ring may gawa ng loob? Ngunit naglilimos lamang kayo at sa akala n’yo’y malinis na ang lahat.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Mary Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kung noong panahon ni Hesus, mayroong mga ritwal na sinusunod ang mga hudyo, katulad ng paghuhugas ng kamay bago kumain, tayo naman ngayon ay merong tinatawag na “health protocols” na kailangang sundin, upang hindi tayo mahawaan ng “virus.”  Kailangan natin na parating mag-hugas ng kamay at maligo, lalo na kapag galing sa labas ng bahay.  Huwag ding kalimutan ang mag face mask at face shield. Kailangan din nating magpa-bakuna ngayon, para meron tayong panlaban sa sakit na Covid 19 na kumitil na ng maraming buhay.  Mga kapatid, ang pandemya ay nagpapa-alala sa atin, na maiksi at pansamantala lamang ang buhay sa mundo.  Kung tayo ay maraming ginagawa upang mailigtas ang ating sarili sa pagkakasakit, ano naman ang kailangan nating gawin, upang mapanatili natin ang malusog na buhay espiritwal, at maihanda ang sarili sa pagkakataon ng sakit at kamatayan?  Paghahanda hindi lamang para sa ating sarli, kundi para na rin sa ating mga mahal sa buhay, na nagkaroon ng takot at pagkabalisa, dahil sa mga nangyayari ngayon?  Ang pinakamahalagang bakuna at mga ritwal na ating kailangan ngayon, ay ang panalangin at ang mga sakramento na itinalaga ng ating simbahan.  Ang panalangin ay tumutulong na maging malalim ang ating relasyon sa Diyos.  Ang mga sakramento naman ay mga ritwal na nagpaparamdam sa atin ng pagmamahal ng Diyos, nakakapagpatibay ng ating pananampalataya, at nagbibigay ng biyaya lalo ng kapayapaan ng ating puso at isip.  Ikaw kapatid, payapa ba ang iyong kalooban sa gitna ng pagsubok na iyong nararanasan?