Daughters of Saint Paul

Oktubre 12, 2024 – Sabado ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo: Lucas 11,27-28

Habang nagsasalita pa si Hesus, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Hesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”

Pagninilay:

Behind every great man there stands a woman. Hayaan mong sabihin ko ring, “Behind every holy person is his or her mother”. Na-iimagine ko ang lakas ng sigaw ng babae.  Hindi masukat ang kanyang tuwa sa ating Hesus Maestro, kaya pinuri ng babae ang Kanyang Ina. Sino ang ina na kanyang pinuri? Ang Mahal na Inang Birheng Maria. Totoo na malaki ang impluwensya ng ina sa kanyang mga anak. I believe, isa sa mga greatest blessings ay magkaroon ng ina na malapit sa Diyos. Bukod sa iniluwal tayo ng ating ina at inalagaan, malaking bagay kung ano ang narinig at nakita natin sa kanila. Hanggang ngayon, malinaw sa aking alaala ang mga turo ng aking ina. Bukod sa siya ang aking unang Katekista, siya rin ang aking model. Sa kanya ko natutuhan kung paano’ng maging malumanay na magsalita kahit na nagrarambulan na ang aking dibdib at dugo. Sa kanya ko rin unang nakita ang walang hinihintay na kapalit kapag naglilingkod sa Diyos at sa kapwa.  Madalas kapag may problema, matamis sa labi niyang sinasabi “Anak, you are the Gem of my Cross”. Kaya kapag nauuwi ako sa amin at nakakausap ko ang mga kaibigan ng aking ina, magiliw kong tinatanggap ang kanilang papuri “Alam mo, Sister, kahawig mo ang iyong ina.” Humimlay na ang aking ina, at namimiss ko siya. Pero alam kong mayroon pa rin akong makalangit na Ina na naging huwaran ng aking nanay noong siya ay nabubuhay. Ngayong ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng Mahal na Birheng Maria ng Pilar, kilalanin natin ang kanyang milagrosang pagpapakita kay San Tiago, Apostol. Bilang ina, naging tibay ng loob siya ni San Tiago sa gitna ng mga masasama. Naging mahiwagang haligi rin siya at kublihan niya laban sa kapahamakan. Buhay na buhay din ang pangangalaga sa atin ng ating Ina na nakaluklok sa shrine ng Fort Pilar sa Zamboanga. Kaya’t anuman ang pinaka-iingat-ingatan nating katangian ng ating Mahal na Ina, nawa’y maging buhay na saksi niya tayo. Malay mo, next time, maririnig natin sa iba na, “Ramdam ko ang ating Mahal na Ina sa iyo.”