Daughters of Saint Paul

Oktubre 13, 2016 HUWEBES Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Teofilo

Lk 11:47-54

Sinabi ni Jesus:  “Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa mga propetang pinatay ng iyong mga ama.  Gayon n’yo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang mga propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon.

            “(Sinabi rin ng karunungan ng Diyos:) Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila.  Kaya’t papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo.  Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito.

            Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan n’yo pa ang mga may gustong makapasok.”

            Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na makipagtalo sa kanya.  Pinagpagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at sinisilo sa anumang sinasabi niya.

REFLECTION

Ang Ebanghelyong ating narinig, pagpapatuloy sa babalang binigay ni Jesus sa mga Pariseo at Guro ng Batas.  Kahapon, binalaan Niya silang huwag pakitang-tao lamang ang mga ginagawang kabutihan.  Ngayon naman, sinabihan Niya silang huwag pakitang-tao lamang ang ginagawa nilang pagparangal sa mga propeta. Dahil ang totoo, katulad din sila sa mga taong nagpapatay sa mga propeta.  Kinuha nila sa mga tao ang karunungang nagmumula sa Diyos. Sa halip na magpaunawa sa mga tao tungkol sa Batas para lumago sa buhay espiritwal – sila pa ang nagligaw sa kanila ng landas dahil sa makitid nilang pagpapatupad ng Batas.  Mga kapatid, bilang binyagang Kristiyano lahat tayo’y nakikibahagi sa misyong tulungan ang isa’t-isa para makapasok sa Kaharian ng Langit.  Inaatasan tayong maging huwaran sa isa’t isa sa pagsabuhay ng mga iniuutos ng Panginoon. Sa ating pang-araw-araw na buhay, ilang tao ba ang nawalan ng pananampalataya dahil sa ating hindi magagandang halimbawa?  Ilang tao ang nasiraan ng loob dahil sa masasakit nating salita? Ilan ang nawalan ng pag-asa dahil sa mapanhusga nating ugali at pagpakalat ng tsismis na nakasira sa dangal ng iba?  Manalangin tayo.  Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga kasalanang nagawa ko Sa’yo at sa kapwa.  Panibaguhin Mo po ako ng magsilbing huwaran ng kabutihan ngayon at magpasawalang hanggan.  Amen.