Daughters of Saint Paul

Oktubre 13, 2017 Biyernes sa Ika-27 Linggo ng Taon

LUCAS 11:15-26

Nang nakapagpalayas si Jesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang Kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Kapag lumabas sa tao ang maruruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, ipinamukha ng Panginoong Jesus sa mga nagpaparatang sa Kanya na maling-mali sila sa kanilang ibinibintang laban sa Kanya.  Simpleng paliwanag lamang ang Kanyang ginamit.  Kung nagpapalayas nga naman Siya ng demonyo, sa tulong ng prinsipe ng demonyo, darating ang panahon na mahahati sila sa iba’t ibang pangkat, at dahil dito’y mawawasak ang kanilang kaharian.  Ganito rin ang posibleng mangyari sa isang pamilya, samahan o komunidad na nag-aaway-away at hindi magkasundo.  Puno ng kaguluhan sa loob, walang respeto at pagdadamayan sa isa’t isa – at di katagalan, mawawasak ang ganitong uri ng samahan.  Bakit nga ba nagkakaroon ng kaguluhan sa loob ng tahanan at samahan?  Unang-una, kung wala ang Diyos sa kanilang piling.  Ang Diyos ang nagbubuklod sa bawat samahan.  At Siya ang nagkakaloob ng biyaya para magkaunawaan ang bawat miyembro sa kabila ng kanilang pagkakaiba-iba ng pag-uugali at pinahahalagahan.  Ikalawa, kung walang pagbibigayan at ayaw makinig.  Kung lahat ng miyembro sabay-sabay na nagsasalita at ayaw pakinggan ang isa’t isa, walang mangyayari sa kanilang samahan.  At ikatlo, kapag pinaghari ang galit at inggit sa puso ng bawat isa, tiyak na mabubuwag din ang kanilang samahan.  Mga kapatid, bawat isa sa atin, may mahalagang papel na dapat gampanan para mapanatiling maayos at mapayapa ang ating samahan.  Maging instrumento nawa tayo ng pagkakaisa.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.