Ebanghelyo: Mk 10: 17-30
Nang palakad na si Jesus, isang tao ang patakbong sumalubong sa kanya at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng buhay na walang hanggan?” “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri sa kapwa, huwag mandaya, igalang ang iyong ama at ina.” “Sinunod ko ang lahat ng ito mula sa aking pagkabata, ano pa ang kulang ko?” Kaya tinitigan siya ni Jesus at minahal siya at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya. Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang makapasok sa Kaharian ng Diyos ang mga may kayamanan.” Takang-taka nga ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak, napakahirap pumasok sa Kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.” Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama, at mga anak, at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig at sa panahong darating nama’y makakamit n’ya ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”