Daughters of Saint Paul

Oktubre 14, 2024 – Lunes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay Papa San Calixto I, martir

Ebanghelyo:  Lucas 11, 29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”

Pagninilay:

Mahilig ka rin bang humingi ng tanda? Humingi ako sa Diyos ng tanda bago ako pumasok sa kumbento. May inalok kasi sa aking scholarship noon. Sabi ko sa Diyos, kapag pumasa ako ay hindi ako magmamadre kasi mag-aaral ako. Pero kung hindi ako pumasa ay mag-mamadre ako. Dalawa kaming nag-exam. Dumating na ang results ng kasama ko at pumasa sya. Walang results na dumating sa akin. Ang sama pala sa pakiramdam ang may inaplayan tapos hindi ka natanggap. Kaya sabi ko sa Diyos, sige na nga kahit pumasa ako sa exam magmamadre pa rin ako. Dumating nga ang results at pasado pala ako sa exam. Kaso sa boarding house pala ipinadala kaya bumalik sa sender dahil hindi ako kilala ng napagtanungan ng kartero. Sa school na ito naka-address nang pinadala uli kaya’t natangggap ko na. Sabi ko sa Diyos, naisahan mo ako ah. Nakapasa naman pala talaga ako. Kapanalig, minsan pinagbibigyan tayo ng Diyos dahil mahal Nya tayo. Pero hindi tayo dapat manatili sa ganoong antas ng pananampalataya at pakikipagrelasyon sa Diyos. Inaanyayahan tayo ng ating Mabuting Balita ngayon na palaguin at palalimin ang ating pananampalataya. Kung palagi pa rin tayong hihingi ng tanda, nangangahulugan ito na nananatiling mababaw ang ating pananampalataya sa Diyos. Sana habang nagkaka-edad tayo ay lumalalim din ang ating pananampalataya at pakikipagrelasyon sa Diyos. Yon bang sapat na ang kanyang Banal na Salita at pagpaparamdam sa ating mga karanarasan sa araw-araw upang maunawaan natin ang kanyang kalooban. At sana dumating tayo sa puntong hindi na natin kailangan ang anumang tanda dahil sapat na si Jesus upang tayoý magtiwala.

Sa ngayon kapag naglalambing na lang ako sa Diyos humihingi ng tanda. Ang sarap kasing manatiling bata sa piling ng Diyos. Pero alam nyo ba kapanalig, batay sa aking karanasan, kapag nananatili pala tayong malapit sa Diyos, hindi na natin kailangang humingi ng tanda dahil nangungusap siya sa atin sa bawat pangyayaring nagaganap sa ating buhay, sa ating paligid, at sa mga taong nakapaligid sa atin. Minsan sila ang boses ng Diyos na pumupuri sa ating mabuting gawa at nagtutuwid ng mali.