Daughters of Saint Paul

Oktubre 15, 2016 SABADO Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Teresa de Jesus, dalaga at pantas ng Simbahan

Lk 12:8-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.  At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos.

            Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo.  Dalhin man nila kayo sa harap ng mga makapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin.  Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.” 

REFLECTION

Sa Ebanghelyong ating narinig, hinahamon tayo ni Kristo na huwag laitin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating kayabangan. Hindi tayo dapat magmayabang sa harap ng Diyos, dahil tao lamang tayo na nagmula sa alabok, at sa alabok din naman magbabalik. Napakagandang pagnilayan na sa wikang Ingles “Human” ang salitang Tao, na hango naman sa salitang Latin na humus o ‘lupa’. Sa harap ng Diyos, wala tayong maipagmamalaki. Dahil tayo’y Kanyang mga nilikha – na pawang mahihina, nagkakasala at di karapat-dapat sa lahat ng Kanyang mga biyaya at pagpapala.  Pero, dahil sa Kanyang awa at habag, ibinabangon Niya tayo at tinutulungan sa lahat ng hamon sa ating buhay.  Ang dakilang kasalanang ginagawa natin sa harap ng Diyos, ang magmalaki o magmayabang.  Pagpapakumbaba naman ang nararapat na tugon natin sa pinakadakilang Diyos na Lumikha at nagmahal sa atin.   Si Santa Teresa ng Avila, isa sa mga dakilang tao na natutong magpakumbaba alang-alang sa kaharian ng Diyos. Nagbalik siya sa tunay na buhay ng kabanalan sa pamamagitan ng pagtatag ng mga Discalced Carmelites. Ang misyon nila, baguhin ang nakasanayang pamumuhay ng mga relihiyoso at relihiyosa na mas nakatuon sa mga makamundong bagay. Hinamon niya ang kanyang sarili at ang kanyang mga kasamahan na kilalanin muli si Kristo, at magpakumbaba sa kanyang piling. Dahil doon naitatag ang order na ito na patuloy pa ring naglilingkod sa Simbahan at kumikilala sa Panginoon nang may kababaang-loob at kabanalan. Nawa sa tulong ni Santa Teresa ng Avila at ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, matuto tayong maging mapagpakumbabang lingkod ni Kristo, na handang sumunod sa kalooban ng Ama at magpakabanal sa Kanyang presensya, ang presensya ng Awa at Habag.