MATEO 22:1-14 (o 22:1-10)
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong amg mga imbitado sa kasalan pero ayaw nilang dumalo.
“Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan. Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay.
Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: Handa na ang kasalan pero hindi karapat-dapat ang mga inaanyayahan. Pumunta kayo ngayon at sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita n’yo.
Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, ay napuno ang kasalan ng mga nasa hapag.
Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya sinabi niya rito: Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal? Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”
“Marami ngang talaga ang tinatawag pero kaunti ang pinili.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na ang panawagan ng Diyos na makibahagi sa Kanyang piging – para sa lahat. Mayaman man o mahirap, banal o makasalanan, nakapag-aral o hindi – lahat tinatanggap sa hapag ng Diyos. May puwang ang bawat isa sa puso ng Diyos. Dahil lahat tinubos na nang Mahal na dugo ng Panginoong Jesukristo. Sa Eukaristiya, pinagsasaluhan ng iba’t ibang uri ng tao ang dahilan ng ating pagsasama, ang Diyos na nag-alay ng Kanyang buhay para sa lahat. Kaya sikapin nating palaguin ang pagkakaisang ito, ang ating kapatiran bilang mga anak ng Iisang Diyos. Pagmalasakitan natin ang bawat isa. Lalo na ang mga kapatid nating naliligaw ng landas. Pagmalasakitan natin ang bawat buhay, na hiram lamang sa Diyos. Manindigan tayo sa buhay, at sama-samang idalangin sa Diyos na sana wakasan na Niya ang nagpapatuloy na karahasang nagaganap sa ating lipunan. Na sana manaig ang katarungan, kapayapaan at pagkakaisa sa kabila ng ating pagkakaiba-iba. Amen.
