EBANGHELYO: LUCAS 11:37-41
Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali n’yong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan pero nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob. Mga hangal! Hindi ba’t ang maygawa ng labas ang siya ring maygawa ng loob? Pero naglilimos lamang kayo at sa akala n’yo’y malinis na ang lahat.”
PAGNINILAY:
“Kapag ipinanganak ka raw na pangit, hindi mo kasalanan yon, pero kapag namatay kang pangit pa rin, kasalanan mo na yon”. Kaya may mga taong sobrang conscious sa kanilang panlabas na anyo. Kapag may nakitang puting buhok, bubunutin. Kapag di na kayang daanin sa pagbunot, magkukulay na ng buhok para muling magmukhang bata. Di naman siguro masama ito. Pero kung sobrang nakatuon lang ang ating pansin sa panlabas na anyo at hindi man lamang natin napagtutuonan ng pansin ang paglilinis ng ating budhi at kalooban, marahil sasabihan din tayo ni Jesus, “Mga hangal! Ugali nyong linisin at pagandahin ang panlabas nyong anyo, pero umaapaw naman sa dumi at baho ang inyong puso at kalooban”. Mga kapanalig, sa aking pagninilay, hindi ang sobrang pagkamalinis at legalistic ng mga pariseo ang ikinagagalit ni Jesus kung hindi ang kanilang kakulangang tukuyin ang higit na mahahalagang bagay. Minsan kauupo ko lang sa prayer room para magdasal, nang may taong dumating na kailangan ng tulong at kausap. Tumayo ako at nakinig sa kanya. Pagkatapos naming mag-usap, marami nang gawaing dapat gampanan kaya late afternoon na ako nakadasal. Nagsorry ako sa Diyos, dahil inilagay ko sya sa dulo ng schedule ko sa araw ng iyon. Pero alam nyo ba nang tumahimik ako, nakaramdam ako ng kapayapaan sa kaibuturan ng aking puso at pinuno nya ako ng galak na para bang sinasabi ng Diyos sa akin, na hindi sya galit. Bagkus natutuwa sya sa aking naging desisyon na paglaanan ng oras ang taong yon. Mga kapanalig, hingin natin sa Banal na Espiritu na tulungan tayong tukuyin at gawin ang mga bagay na higit na mahalaga para sa Panginoon. Matuto sana tayo sa sinabi ng fox sa Little Prince, “It is only with the heart that one sees clearly; what is essential is invisible to the eyes.” (Sr. Lou Ranara, fsp)