EBANGHELYO: Lc 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo. Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Edna Cadsawan ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa narinig nating ebanghelyo, binalaan ni Hesus ang kanyang mga disipulo sa kahalagahan nang pagiging totoo at hindi mapagbalatkayo o ipokrito na gaya ng mga Pariseo. Kasama tayo sa pinatutungkulan ng babalang ito. Hinahamon tayo na maging mga taong may integridad at paninindigan. Kung ano ang ginagawa o sinasabi natin sa harap ng iilang tao, ay kaya nating panindigan sa harap ng mas nakakarami dahil walang natatago na di malalantad. Mga kapatid, napapanahon po ang pagbasang ito, dahil sa mga nangyayaring katiwalian sa ating lipunan, pati na sa ating pansariling buhay. Isang halimbawa po rito ay ang mga drivers… Kapag sila ay nasita o nahuli ng mga enforcers, karaniwan na pong kalakaran, na mas nanaisin ng ilan na maglagay na lamang upang hindi maabala. Hindi natin tunay na masasabi na tayo’y sumusunod kay Kristo, kung sasang-ayon tayo dito. Sa aming buhay, napagpasyahan po namin na huwag maglagay sa anumang transaksyon. Kaya kapag nasita ang asawa ko sa pagmamaneho, ang ginagawa po niya ay makiusap kung may naging paglabag, lalo na kung hindi malinaw ang traffic sign, o kaya ay iprotesta ang tiket na ibinigay kung nasa tama siya, kahit na sobra talagang abala ito. Manalangin tayo na huwag matakot manindigan sa kung ano ang tama at kumapit lagi sa pangako ng Diyos na hindi niya tayo pababayaan. Amen.