BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-Dalawampu’t Walong Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating liturhiya. Linggong ngayon ng mga katutubong Pilipino. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Bilang paghahanda sa Banal na Misa, atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata dalawampu’t dalawa, talata isa hanggang labin-apat.
EBANGHELYO: Mt 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong amg mga imbitado sa kasalan pero ayaw nilang dumalo. “Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan. Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: Handa na ang kasalan pero hindi karapat-dapat ang mga inaanyayahan. Pumunta kayo ngayon at sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita n’yo. Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, ay napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya sinabi niya rito: Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal? Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” “Marami ngang talaga ang tinatawag pero kaunti ang pinili.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na ang panawagan ng Diyos na makibahagi sa Kanyang piging ay para sa lahat. Mayaman man o mahirap, banal o makasalanan, lahat tinatanggap sa hapag ng Diyos. May puwang ang bawat isa sa atin sa puso ng Diyos. Sa Eukaristiya, pinagsasaluhan ng iba’t ibang uri ng tao ang dahilan ng ating pagsasama, ang Diyos na nag-alay ng Kanyang buhay para sa lahat. Sa pagdiriwang natin ngayon ng Linggo na mga Katutubong Pilipino, tungkulin natin bilang Kristiyano, na ibalik ang mga kapatid nating katutubo sa hapag-kainan ng Diyos. Nawa’y pakinggan natin ang mga kapatid nating katutubo, ipaglaban ang kanilang karapatan at pahintulutan silang gumuhit ng kanilang kinabukasan, sa halip na tayo ang magdidikta kung ano ang nararapat para sa kanila. Mariin din nating tutulan ang lahat ng pang-aapi, panlalait at pagsasamantala sa kanila. Nang sa gayon nakatutugon tayo sa panawagan ng Panginoon na anuman ang mabuting ginawa natin sa maliliit nating kapatid na ito, ginawa natin sa Kanya.