Daughters of Saint Paul

Oktubre 16, 2016 LINGGO Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Lk 18:1-8

Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob—ito ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga.  Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas na pumunta sa kanya at sinasabi: 'Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.' Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: “Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko parin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.'”

            Kaya dinagdag ng Panginoon: “Pakinggan n'yo ang sinabi ng hindi matuwid na hukom. Hindi ba't igagawad ng Diyos ang Katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananamapalataya sa lupa?

REFLECTION

Likas na kagandahan sa ating mga Pilipino ang pagiging madasalin. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi mawala sa atin ang mag-usal ng mumunting panalangin – personal man ito o para sa kapakanan ng iba.  Pero sa tuwing hindi pa tinutugon ng Diyos ang hinihingi natin sa dasal, minsan hindi maalis sa atin ang magduda na hindi tayo napapakinggan ng Diyos.  Ang iba naman masisiraan na ng loob at titigil nang manalangin.  Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon na maging masigasig sa ating panalangin at huwag masisiraan ng loob.  Ito din ang mensaheng nais kong ipaabot sa lahat ng mga nagtetext at nagsusulat sa amin na humihingi na panalangin.  Patuloy po tayong umasa sa kagandahang-loob ng Panginoon!  Dahil tunay na nababatid Niya ang ating mga pangangailangan at hindi lingid sa Kanya ang mga hirap na ating pinagdadaanan.  Bago pa nga tayo manalangin, alam na Niya ang ating sasabihin.  Kaya magtiwala tayong sa panahong Kanyang itinakda – makakamit din natin ang ating hinihingi. Pero marahil magtatanong kayo, kung alam naman pala ng Diyos ang ating mga pangangailangan bakit pinatatagal Niya pa ang pagsagot sa ating kahilingan?  Mga kapatid, matuto tayong igalang ang anumang tugon ng Diyos sa ating panalangin.  Kaya sa tuwing tayo’y nananalangin, sabihin natin sa Diyos na:  Panginoon, ito po ang aking mga kahilingan at mga pangangailangan pero hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang Iyong kalooban. Amen.